Idineklarang ‘persona non grata’ ang mga miyembro ng CPP-NPA o Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa probinsya ng Romblon sa bisa ng isang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan sa kabila ng pagiging insurgency free ng probinsya.
Ito ay ayon kay Romblon Vice Governor Felix Ylagan ng makapanayam ng mga mamahayag sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong September 16.
“Dito sa atin, nagforward ng endorsement letter si Governor Riano at ibinigay natin yan sa chairman na si SP Jun Bernardo, tapos inapproved namin yan at wala masyadong deliberation sa pagpasa niyan,” ayon kay Ylagan.
Ipinaliwanag rin ni Ylagan na hindi porket nagpasa ng resolusyon para gawing ‘persona non grata’ ang mga miyembro ng CPP-NPA sa probinsya ay ibig sabihin ntio ay may mga presensya na ng grupo rito.
“Tayo naman kasi wala naman talaga tayong NPA dito sa atin,” paliwanag pa ni Ylagan.
Maliban sa resolusyon sa pag deklarang ‘persona non grata’ sa CPP-NPA, nagpasa rin ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Romblon para kondehain at tuligsain ang mga kalupitan ng Communist Terrorist Groups (CTGs) noon sa probinsya.
Matatandaang idineklarang insurgency free ang probinsya ng Romblon nito lamang February 2019 matapos ang mahigit sampung taong walang nangyayaring karahasan sa mga bayan nito.