Labingwalong senior citizen na edad 97-99 sa lalawigan ng Romblon ang nakatanggap noong Setyembre 20, na aabot sa P50,000 na insentibo mula sa pamahalaang panlalawigan ng Romblon.
Pinangunahan ni Romblon Governor Jose Riano sa pangangasiwa nina Acting Provincinal Treasurer Lorelie Y. Manago at Acting Asst. Provincial Treasurer Mercedita B. Diaz.
Kabilang sa mga nabigyan ay ang mga senior citizen na edad 97-99 mula sa mga bayan ng Banton, Looc, Romblon, Odiongan, Sta. Maria, Magdiwang, Alcantara, San Fernando, at Cajidiocan.
Ayon kay Governor Riano, ang nasabing insentibo ay tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga matatandang walang natatanggap na pensyon para may pambili sila ng kanilang mga kailangang pagkain at gamot.
Hiwalay pa ang insentibo na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon sa insentibo na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kapag umabot sila sa edad na 100 taon bilang kanilang centenarian gift mula sa pamahalaan.
Nagpapasalamat naman sa pamahalaang panlalawigan ang mga benepisyaryo katulad ni Lolo Mario Magbanua na sinabing gagamitin sa pagbili ng gamot ang natanggap na pera.
“Malaking tulong ito sa akin. Pambili ko ng gamot, pang-gastos namin. Salamat!” pahayag ni Lolo Mario na mula sa Canduyong, Odiongan, Romblon.
Unang batch pa lang ito at may mga susunod pang mabibigyan na mga senior citizen na kwalipikado sa nasabing programa ng pamahalaang panlalawigan.