Ilang linggo nang nagbabanatan sa media mga ang parehong palaban na sina Comelec Commissioner Rowena Guanzon at dating Youth Commissioner Ronald Cardema. Pero ang malaking tanong: mayroon ba talagang kongresista na “bag woman” ang una gaya ng alegasyon ng huli?
Pero bago ‘yan, nagtatanong ang isa nating kurimaw kung makatwiran daw bang suspindihin o ipagpaliban ang implementasyon ng kontrobersiyal na Republic Act No. 10592, o ang expanded good conduct credit law. Sa batas na ito, puwedeng makalaya nang mas maaga sa kaniyang sintensiya ang isang preso kung naging behave siya sa kulungan.
Ngunit dahil sa napaulat na kasamang makikinabang dito si dating dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, na hatulan sa kasong rape at pagpatay sa dalawang estudyante ng UPLB noong 1993, marami ang pumalag. Kahit nga daw si President Mayor Rodrigo Duterte, tutol din na makalaya si Sanchez.
Kung noong una eh sinasabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na walang makapipigil sa paglaya ni Sanchez kung naayon sa batas, aba’y kasama siya sa nagbago ang isip. Sinabi pa nito na suspindido raw muna ang pagpapatupad ng batas na inaasahang 11,000 preso ang makikinabang. Ang tanong ng ating kurimaw, hanggang kailan? Papaano naman daw ang mga preso na talagang deserve na at dapat makalaya na? Maipagkakait ba sa kanila ang dapat na sa kanila?
At si Senador Bato Dela Rosa na unang nagsabi na dapat bigyan ng “second chance” si Sanchez, nagbago na rin kaya ang isip?
Balik tayo mga tsong kay “bag woman.” Sabi kasi ni Cardema, humingi raw sa kaniya ng pera si Guanzon para makapasok at maaprubahan ang accreditation ng kanilang Duterte Youth Party-list, kung saan nominado siyang maupo bilang kinatawan sa Kamara de Representantes.
Ginawa ni Cardema ang mga alegasyon laban sa poll official nang ibasura ang kaniyang nominasyon para maupong kongresista dahil overage daw ito para katawanin ang grupo ng kabataan. Katwiran naman ni Cardema, hindi lang youth ang kanilang kinakatawan kundi maging young professionals.
Pero ‘di umubra ang katwiran ni Cardema at doon na nga niya isiniwalat ang umano’y mga hiningi noon ni Guanzon at isang babaeng kongresista raw ang emisaryo ng opisyal. Itinanggi naman ni Guanzon ang alegasyon at inakusahan niya si Cardema ng pagbabanta sa kaniyang buhay at sa pamilya niya.
Banta pa ni Guanzon, hindi niya tatantanan si Cardema at sasampahan niya ng patong-patong na kaso.
Ang kapansin-pansin lang, sa harap ng balitaktakan ng dalawa, tahimik ang mga lady solon at ang liderato ng Kamara ni Speaker Alan Peter Cayetano tungkol sa sinasabi ni Cardema na may isang kasamahan sila doon na “bag woman” daw ni Guanzon.
Si Guanzon, hinamon na si Cardema na pangalanan kung sino ang congresswoman na sinasabing emisaryo niya pero magkaalaman na. Aba’y hindi simpleng bintang ang sinasabi ni Cardema dahil isang uri ng “graft and corruption” at “extortion” ang manghingi ng pera kapalit ng pabor.
Kung dati kapag may nasasangkot na mambabatas sa isang kontrobersiya na hindi pinapangalanan, agad na may nagsasalita at naghahamon sa nag-aakusa na “name names” dahil nagiging suspek nga naman ang lahat ng kongresista. Pero bakit ngayon tila wala?
Ibig kayang sabihin nito eh hindi naniniwala ang mga lady solon at si Cayetano sa alegasyon ni Cardema tungkol sa “bag woman” kaya deadma lang sila? O baka naman totoo at natatakot sila na kung sino ang papangalanan ni Cardema? Ano sa palagay nyo? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)