Hinikayat ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang 25 barangay ng nasabing bayan na magsagawa ng clean-up drive sa kanilang mga lugar para makaiwas sa sakit na dengue na dala ng mga lamok.
Ayon sa resolution No. 2019-36 na inakda ni SBM Michael Arevalo, naniniwala ang Sangguniang Bayan sa ‘prevention is better than cure’ kaya nila ipinasa ang resolution para suportahan ang kampanya ng Department of Health at ng Rural Health Unit kontra sa sakit na dengue.
Isa sa mga barangay na tumalima sa hiling ng Sangguniang Bayan ay ang Barangay Gabawan na nasa pamumuno ni Barangay Captain Juvy Faderogaya.
Ayon kay Faderogaya, mahigit 50 katao ang nakilahok sa kanilang isinagawang clean-up drive nitong Huwebes, August 15, kung saan tinawag nila itong ‘OPLAN Search and Destroy against DENGUE’.
Maliban sa paglilinis, nagsagawa rin umano sila ng information drive at pinaalalahanan ang mga residente na gawin ang 4’o clock habit sa kanilang mga tahanan.