Kinilala ng Regional Police Office – MIMAROPA ang Romblon Police Provincial Office (Romblon PPO) bilang 2019 Outstanding Police Provincial Office sa Police Community Relations sa ikatlong sunod na taon.
Tinanggap ang parangal ni Police Col. Arvin Molina, Provincial Director ng Romblon PPO nitong ika-5 ng Agosto sa ginanap na selebrasyon ng 4th Police Community Relations Month sa Camp Efigenio C Navarro sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Sa isang panayam ng Philippine Information Agency – Romblon kay PD Molina nitong Biyernes, pinasalamatan nito ang mga pulis sa Romblon dahil sa patuloy nilang paglalapit ng mga programa ng PNP sa komunidad.
Malaki rin umano ang tiwala niya sa mga pulis sa lalawigan na mapapanatili ng mga ito ang katahimikan sa probinsya.
Ang natanggap na parangal ay tatlong taon ng natatanggap ng Romblon Police Provincial Office simula pa noong taong 2017.
Maliban sa natanggap na parangal ng Romblon PPO, nakatanggap rin ng parangal bilang Outstanding Municipal Police Station of the Year ang Romblon Municipal Police Station. Tinanggap ni Police Captain Josep Morales, Chief of Police ng Romblon MPS ang parangal.
Kinilala rin sina Police Lt. Col Raquel Martinez bilang Outstanding Police Community Relations (PCR) Senior PCO of the year; Police Lt. Van Constantino bilang Outstanding PCR Junior PCO of the year; Police Staff Master Sergeant Rowena Forfeida bilang Outstanding PCR Senior PNCO of the year; at si Police Staff Sergeant Erlyn Festin bilang Outstanding PCR Junior PNCO of the year.