Mahigit 43 million pesos ang ‘na-realigned’ ng Provincial Government ng Romblon mula sa 2019 at sa mga nakalipas Annual Development Plan ng probinsya para gamitin sa iba pang proyekto.
Sa resolution ng Provincial Development Council nitong August 13 sa Quezon City, inaprubahan ng mga miyembro nito ang paggalaw ng 43,921,045.89 pesos.
Ayon sa ipinasang resolution, ang 39,961,045.89 pesos rito ay gagamitin pambili ng mga hospital equipment at pagpapagawa ng mga hospital infrastracture para sa accreditation ng mga ito sa Department of Health at sa Philihealth.
Ang nasabing realignments ay kailangan umano para ma-upgrade ang Sibuyan District Hospital (SDH) at Romblon District Hospital (RDH) mula sa infirmary status nito papunta sa level 1 hospital.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Governor Jose Riano, sinabi nito na kapag level 1 hospital na ang SDH at RDH, papayagan na ng Kagawaran ng Kalusugan na magsagawa ng medical procedures sa mga ospital kagaya ng surgical operations.
Malaking tulong umano ito lalo na sa mga taga-Sibuyan at taga-Romblon dahil hindi na nila kailangang pumunta pa ng Tablas para magpa-opera.
Plano rin ni Riano na bumili ng 5 ambulansya at dalawang sea ambulance para madaling maibiyahe patungo sa pinakamalapit na ospital o di kaya mailipat sa Romblon Provincial Hospital ang mga pasyente.
Ang resolution ng Provincial Development Council ay inaasahang ipapadala na sa Sangguniang Panlalawigan para balangkasin.