Naipasa na ngayong araw ng Provincial Development Council ang Annual Investment Plan (AIP) ng probinsya ng Romblon para sa taong 2020.
Sa ginanap na Full Council Meeting ngayong araw sa Quezon City, magkasunod na ipinasa ng mga miyembro ng PDC ang Annual Development Programme (ADP) na aabot sa P182-million at ang AIP na nagkakahalaga ng aabot sa 1,768,809,309.00 pesos.
Batay sa AIP, pinakamalaki sa budget ay mapupunta sa Basic Services Operation ng probinsya, 20% naman nito ay mapupunta sa Annual Investment Program, P75M naman ay mapupunta sa Gender and Development, P57M naman sa Disaster Risk Reduction and Management, P10M naman sa PWDs at Senior Citizens, P10M naman para sa mga kabataan, P10M naman sa programa kontra HIV/AIDS.
Aabot naman sa P745M naman ay mangagaling sa Conditional Matching Grant para sa probinsya ng Romblon.
Ayon kay Governor Jose Riano, pinakagagastosan ng probinsya sa susunod na taon ay ang health services sa lalawigan kaya ang ilang pondo sa Annual Development Programme ay mapupunta sa pagbili ng mga gamit sa iba’t ibang hospital sa Romblon para sa kanilang accreditation ng mga ito sa Department of Health at sa Philhealth.
Bibigyan rin ang bawat munisipyo ng pondo na aabot sa P2M kada bayan para pampagawa ng mga napili nilang proyekto.
Ang nasabing Annual Investment Plan ay ipapasa na sa Sangguniang Panlalawigan para maipasa ang Appropriation Ordinance para sa susunod na taon.