Patay ang isang operator/driver matapos mahulog sa isang mababaw na bangin ang dinadala niyang payloader habang pababa ng Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon nitong tanghali ng Biyernes, Agosto 30.
Ayon kay Police Captain Elmer Fajel, hepe ng San Agustin Municipal Police Station, katatapos lang magsagawa ng clearing operation sa isang landslide area sa Sitio Agtagsing ang biktimang kinilalang si Eric Erise, 40, nang mangyari ang aksidente.
“Pababa na sana yan siya papunta sa kanilang bankhouse nang mawalan ng kontrol itong driver sa heavy equipment, at dumiretso sa ravine,” ayon kay Captain Fajel.
“Mabilis ata kasi ang patakbo, siguro hindi niya na-anticipate na paliko at madulas sa daan, kaya nawalan siya ng kontrol,” dagdag ni Fajel.
Hindi umano nakatalon ang driver at kasamang nahulog sa banging may taas na 10-15 metro, dahilan upang tumama ito sa mga bato at mapinsala ang kanyang ulo.
Dumating rin sa lugar ang mga tauhan ng Rural Health Unit ngunit idineklarang dead on the spot ang biktima matapos dahil sa pinsala sa ulo.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang construction company pinagtatrabaho ni Erise.
Ipinaalam na rin sa mga kamag-anak ni Erise sa Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon ang nangyari rito.