Naglinis ngayong araw ang mga empleyado ng National Food Authority – Romblon sa pangunguna ni Manager Redentor Arciaga sa kanilang opisina sa bayan ng Romblon, Romblon bilang kanilang pakikiisa sa kampanya ng Local Government kontra sa sakit na dengue.
Alinsunod umano ito sa Memorandum Order No. 05-2019 na nilabas ni Romblon mayor Gard Montojo kung saan naghihikayat sa iba’t ibang agency sa capitol town ng probinsya na maglinis ng kanilang mga paligid.
Isa umano ito sa paraan para mapuksa ang mga lamok na may dalang dengue virus at maiwasan pa itong makakagat ng iba.
Batay sa pinakahuling taya ng Romblon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, aabot na sa 126 katao ang tinamaan ng dengue sa bayan ng Romblon kung saan isa sa dalawang namatay ay residente ng nabanggit na bayan.
Mainam umanong tandaan ang 4S na laging paalala ng Department of Health para makaiwas sa lamok, ito ay ang Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation at Say No To Indiscriminate Fogging.