Sumailalim sa pagsasanay ng Cardio Pulmonary Resuscitation o CPR ang mga estudyante ng Romblon National High School kamakailan alinsunod sa Republic Act No. 10871 o Basic Life Support Training in Schools Act.
Ito ay inisyatibo ng Department of Health (DOH) – Health Emergency Management Staff (HEMS) – Mimaropa and Human Resource for Health Romblon sa pakikipagtulungan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Maritime Police, Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, MDRRMO, Philippine Red Cross at Department of Education bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na “CPR ready” Philippines pagdating ng taong 2020.
Ayon kay Teodulo F. Manzo, OIC, Philippine Red Cross Romblon Chapter, ang CPR ay isang emergency procedure na isinasagawa sa isang tao na biglang tumigil ang pagtibok ng puso upang magpatuloy ang daloy ng dugo sa utak at puso nito kung saan batay aniya sa mga pag-aaral, nado-doble ang survival rate ng isang biktima kapag naisailalim ito sa CPR.
Sa naturang pagsasanay ay itinuro ang mga tamang hakbang sa pagbibigay ng CPR na maaaring matandaan sa pamamagitan ng Tatlong ‘C.’ Una ay ang Check o siguruhin ng responder ang sitwasyon ng isang pasyente at maging ang kapaligiran nito bago pagdesisyunan na isagawa ang CPR. Pangalawa ay ang Call for Help o paghingi ng tulong ng responder upang madala sa ospital at mabigyan ng agarang serbisyong medikal ang pasyente. Panghuli ay ang Compress o ang aktuwal na pagsasagawa ng CPR.
Sinabi ni Garry T. dela cruz, chapter service representative ng Philippine Red Cross, na ang katatapos na Nationwide Simultaneous Hands-only Cardiopulmonary Resuscitation Campaign ay pinangunahan ng DOH at Philippine Red Cross para himukin ang lahat ng mag-aaral sa sekondarya na sumailalim sa pagsasanay tungkol sa basic life support.
Ayon pa sa doktor, ang atake sa puso ay malimit na nangyayari sa labas ng bahay at ang pagkabigo na magawan ng CPR ang isang tao na dumaranas ng cardiac arrest sa loob ng tatlo hanggang walong minuto ay maaaaring magresulta ng permanenteng brain damage.
Aniya, ang buhay ng isang tao na biglang inatake sa puso ay nakadepende sa kaalaman sa CPR ng mga taong nasa lugar kaya mahalaga na hangga’t maaga ay matuto ang mga kabataan ng wastong CPR technique upang makapagsalab ng buhay.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)