Para mas may alam ang pamahalaang lokal ng Concepcion, Romblon pagdating sa paghahanda sa sakuna, sinanay sila nitong Agosto 27-29 ng Office of Civil Defense (OCD) – MIMAROPA patungkol sa Basic/Intermediate Incident Command System (ICS) sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Layunin ng training na magkaroon ng kaalaman ang lokal na pamahalaan sa kung paano sila reresponde sa iba’t ibang sakuna.
Ayon kay John Bob Ferranco, Local Disaster Risk Reduction & Management Officer ng Concepcion, may aabot sa 24 na empleyado ng munisipyo ang tumawid pa ng dagat patungong Oriental Mindoro para dumalo sa pagsasanay.
Ang walong training course na dinaanan nila ay ang: Introduction to ICS, ICS Organization and Staffing, ICS Incident Facilities, Organization and Managing Incidents and Events, Incident/Event Assessment and Management by Objectives, Incident Resources and Resources Management, Incident and Event Planning at Transfer of Command, Demobilization and Closeout.
Kabilang sa mga Cadres o Instructor sa training ay sina Rowena Sanz mula sa House of Representatives, SFO1 Lizel Reyes ng BFP-Calapan; at Maria Aiza Siason at Jo-anne Angat mula sa Office of Civil Defense (OCD).
Paliwanag ni Ferranco, ang ICS ay isang pansamantalang organisasyon na binubuhay kapag kailangang mag responde sa isang disaster o sa isang emergency.
Ang nasabing trabaho ng LGU na magsagawa ng ICS training ay alinsunod umano sa National Disaster Risk Reduction and Management Council Memorandum na nilabas noong 2012. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)