Nauwi sa pananaga ang masayang inuman ng dalawang lalaki sa Barangay Punta, Looc, Romblon nitong gabi ng Lunes, August 19.
Batay sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, nag-iinuman sina Lando Gregorio, 42, at Platon Galario, 61, nang biglang mauwi sa pagtatalo ang usapan ng dalawa. Umalis saglit si Galario sa lugar ngunit bumalik na may dala ng patalim at walang anu-ano ay tinaga sa ulo si Gregorio.
Bumunot rin ng patalim si Gregorio at nakaganti ng saksak sa likod ni Galario.
Agad naman inawat ang dalawa ng mga rumespondeng kapitbahay at dinala sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para ipagamot. Kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital si Gregorio kung saan siya ngayon nagpapagaling.
Samantala, inaresto naman ng mga tauhan ng Looc Municipal Police Station ang suspek na si Galario matapos itong magpagamot sa ospital.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang puno’t dulo ng pagtatalo nina Galario at Gregorio na nauwi sa pananaga at pananaksak.