Ang GSIS Batangas branch sa pamumuno ni Manager Leon Ma. E. Fajardo kasama ang mga tauhan nito ay nagtungo sa lalawigan ng Romblon para tugunan ang napakaraming hinaing ng mga guro.
Apat na araw na nag-ikot sa buong lalawigan ng Romblon ang mga kinatawan ng GSIS upang marinig sa mga pampublikong guro ang kadalasang hinaing ng mga ito sa naturang ahensiya gaya ng isyu sa GSIS premium remittance, loan application at payment, at iba pa.
Ang naturang grupo ay nag-iikot sa pitong public schools districts na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd)-Schools Division of Romblon upang magsagawa ng dialogue at meeting sa mga guro.
Kasabay din nito ang pag-release ng mga Unified Multi-Purpose Identification (UMID) cards at GSIS Financial Assistance Loan (GFAL) application upang ang mga guro na may problema o transaksiyon sa GSIS ay hindi na kailangang pumunta pa ng Batangas para makatipid sa pamasahe.
Ang pag-iikot ng GSIS Caravan sa Romblon ay eklusibo lamang para sa mga empleyado ng DepEd at ang hakbang na ito ay inisyatibo ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa para sa kapakanan ng mahigit kumulang 4,200 na mga guro sa probinsiya ng Romblon.
Pinasalamatan ni SDS Capa si GSIS Batangas Manager Leon Ma. Fajardo at mga kasamahan nito sa pag-ikot sa iba’t-ibang distrito ng Romblon upang iparating ang kanilang serbisyo at bigyang tugon at aksiyon ang mga problema ng mga guro sa Division of Romblon.
“Dahil dito, mababawasan na ang mga problema ng ating mga guro sa kanilang mga record sa GSIS lalung-lalo na sa kanilang service record, premium remittance, atbp. Ito po ay ginawa natin bilang tugon sa hinaing ng ating mga guro at empleyado at nagpapasalamat tayo sa GSIS sa kanilang positibong tugon sa ating mga request,” pahayag ni Capa.
Binati rin ng opisyal ang kanyang mga tauhan na sina AAO Sherwin Rodil at ERF handler April Fay Riva dahil mabilis nitong naayos at na-update ang mga records ng mga public school teachers na nasa ilalim ng DepEd Romblon kung kaya ang sila nabigyan ng pagkilala at parangal ng GSIS.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)