Pumili na ang iba’t ibang representative ng Bantoanon Tribe sa 4 bayan sa Romblon ng kauna-unahang uupo sa pwesto ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa Sangguniang Panlalawigan.
Sa selection process na ginanap nitong Biyernes, August 2, sa Odiongan, Romblon napili nila si dating Odiogan IPMR Lettie Festin Magango na kauna-unahang katatubong uupo sa pwesto.
Ang selection process na dinaluhan ng representative ng Bantoanon Tribe mula sa mga bayan ng Odiongan, Calatrava, Banton, at Simara; hindi naman nakarating ang mga representative ng bayan ng Concepcion dahil sa masamang panahon.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Magango nitong Linggo, sinabi niya na Bantoanon tribe ang unang uupo sa pwesto at susundan naman ng Sibuyan Mangyan Tagabukid (SMT) mula sa Sibuyan, at Ati tribe mula sa San Jose.
Nagpasalamat si Magango sa mga sumuporta sakanya at nangako na paglilingkuran ang mga taga-Romblon lalo na ang tatlong tribu sa probinsya.
Bago pa man maging IPMR sa bayan ng Odiongan si Magango, naging Guro muna ito at naging Principal hanggang sa mag retire sa Department of Education.
Ilan lang sa mga isusulong na programa ni Magango ay ang pagkakaroon ng IP Center for Excellence building sa bayan ng Odiongan, isang transient house na pwedeng tuluyan ng mga IP sa Odiongan na mangangaling pa sa ibang lugar, at ang pagkakaroon ng sariling pondo mula sa probinsya ang opisina ng Indigenous Peoples Mandatory Representative.
Sinaksihan rin ang selection process nina Atty. Randy Lambino, Legal Officer IV ng NCIP Regional Office sa MIMAROPA, at Julito Garcia, Community Development Officer ng NCIP Interim Office – Odiongan.