“Pagsisikapan natin na bago matapos ang anim na buwan ay mag ooperate na sa Romblon Provincial Hospital (RPH) ang dialysis center na matagal ng pangarap ng ating mga kababayan.”
Ito ang sinabi ni Governor Jose Riano ng makapanayam ng mga mamahayag pagkatapos ng ginanap na Provincial Development Council meeting noong Martes, Agosto 13 sa Quezon City, Metro Manila.
Ayon pa sa gobernador, may nakausap na umano siyang pribadong mga duktor na siyang maglalagay ng dialysis center sa RPH.
Sinabi pa nito na ang magiging sistema ay magbabayad umano ng humigit-kumulang P45,000.00 na upa kada buwan sa naturang ospital ang nasabing dialysis center dahil magiging pribado ang operasyon nito.
“Mahirap kasi maghanap ng mga doctor para jan, kaya kung private ang mag-operate, required sila na may trained nurses at doctor na nanjan lagi sa dialysis center,” ayon kay Riano.
Dagdag pa ni Riano, plano nilang ilagay ang nasabing dialysis center sa building 1 ng RPH kung saan naroroon ang laboratory at ililipat naman ang huli sa building 3 kapag natapos na ito. Inaasahang malaki ang magiging tulong nito sa mga dialysis patients na mga Romblomanon kung saan ay naoobliga pang pumunta ng Maynila upang doon magpalinis ng kanilang dugo.
Pinapamadali na rin ni ng Gobernador ang pagpapatapos Bbuilding 3 ng Romblon Provincial Hospital, at nakakuha umano siya ng assurance mula sa mga kontraktor nito na matatapos ang paggawa rito sa loob ng anim na buwan.