Idinaos noong Lunes ang 2nd Buntis Congress sa bayan ng San Agustin sa pangunguna ng Rural Health Unit (RHU) at pakikipagtulungan ng LGU San Agustin taglay ang temang: “Healthy si Baby Kung Healthy si Mommy.”
Layunin ng pagtitipon na mabigyan ng kamalayan ang mga ina upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan mula pagbubuntis hanggang sa ikalawang taon ng kanilang sanggol na ipapanganak.
Isang hakbang din ito ng DOH at RHU na mahikayat ang mga buntis na magsilang sa ospital o health centers upang masiguro na mabibigyan ng tamang pangangalaga at atensiyon bago, habang at pagkatapos na magsilang ng bata.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Deogracias S. Muleta, nasa 110 na mga nagdadalantao o mga buntis mula sa 15 barangay ng bayan ng San Agustin ang dumalo sa ikalawang taon ng Buntis Congress na ginanap sa San Agustin Commercial Complex. Ang naturang kongreso ay nagkaroon ng video presentation ukol sa stages of human development at 3D normal delivery, kinapalooban din ito ng mga lectures sa ukol sa first 1000 days ng sanggol upang magabayan ang mga ina kung paano mapangalagaan ang kanilang kalusugan at ang kanilang ipinabubuntis.
Ipinaliwanag din sa mga dumalong nanay ang kahalagahan ng pre-natal check-up, wastong nutrisyon at pangangalaga ng sanggol sa sinapupunan, benepisyong makukuha ng sanggol kapag nagpapasuso ang nanay, sintomas ng mga panganib sa panahon ng pagbubuntis at maaaring komplikasyon sa panahon ng pagdadalantao, pagkakaloob ng immunization sa nanay at sanggol, ‘3 delays’ at tamang pagpaplano ng pamilya.
Aniya, ang aktibidad na ito ay hakbang ng kagawaran ng kalusugan para mapabuti ang kalusugan ng mga ina at mapababa ang bilang ng mga babaeng namamatay dahil sa komplikasyon habang nanganganak.
Mahigpit na rin aniyang ipinagbabawal ang panganganak sa mga bahay upang sa gayon ay maiwasan ang kapahamakan ng mga ina at sanggol dulot ng mga komplikasyon.
Ayon pa sa manggagamot, ang mga nagdadalantao ay kinakailangang sa ospital, health centers at barangay health stations lamang dapat manganak kung saan mayroong birthing facility at maaasikaso ng maayos ng mga doktor, nurses at midwife upang maiwasan ang malagay sa panganib habang nanganganak.
Naging tampok rin sa nasabing Buntis Congress ang Search for Ms. Pretty Preggy 2019 kung saan nakatanggap ng iba’t ibang special awards ang mga nanalong kalahok bago kinorohanan ang napili ng mga hurado.
Bago nagtapos ang naturang congress ay nagpa-raffle ang RHU San Agustin ng DOH Newborn Kits sa unang 60 nanay na dumalo kung saan ang nilalaman nito ay kanilang magagamit sa sanggol na kanilang isisilang.
Kabilang sa mga panauhing dumalo ay sina Mayor Esteban Santiago “Denon” Madrona, SB for Health Chairman Johnny Jesalva, SB for Health Vice Chairwoman Yolly Burguete at Sangguniang Bayan Member Norman Fatalla.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)