Apat na wanted sa lalawigan ng Romblon ang naaresto ng mga tauhan ng Romblon Provincial Police Office sa ikinasang sabayang operasyon nitong Miyerkules, August 14.
Unang naaresto ng pulisya sa Corcuera, Romblon si Sonny March Villas, 42 anyos, na wanted sa kasong paglabag sa RA 7610 o ang Anti Child Abuse Law.
Nakakulong na siya ngayon at maaring pansamantalang makalaya kung magbabayad ng P200,000 na piyansa sa korte.
Sa bayan ng Odiongan naman naaresto ang tatlo sa apat na wanted person.
Unang naaresto si Virgilio Urbano, 54 taong gulang, residente ng Barangay Amatong.
Ayon sa pulisya, lumabas ang warrant of arrest ni Urbano noong August 9 dahil sa kasong panggagahasa.
Sa Barangay Anahao naman naaresto ng mga tauhan ng CIDG, RID, Odiongan Municipal Police Station, Provincial Mobile Force Company, at Provincial Highway Patrol Group si Rey Venus Gajetas, 55, na wanted naman sa kasong paglabag sa Section 78 ng PD705. Parehong kaso rin ang kinakaharap ng isa pang naarestong wanted person na si Armando Marquez, 39.
Walang piyansa ang kaso ni Urbano, samantalang P24,000 naman ang piyansa ng kaso nina Marquez at Gajetas.