Pormal nang binuksan ang Batang Pinoy National Championships ngayong taon na ginaganap sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ang seremonya ay pinangunahan ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa at Palawan na siyang host ng pambansang palaro.
Sa pagsisimula ng programa, isinagawa ang isang parade na dinaluhan ng nasa 252 na mga lokal na pamahalaan mula sa iba’t bahagi ng bansa.
“Itong event na ito ay napakahalaga…nais naming gawin ang sports na isang propesyon para sa coaches, para sa atleta, dahil ang sports ay hindi lamang pisikal kundi strategic, takes a lot of planning and its also very scientific,” bahagi ng mensahe ni Leonor Briones, kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa kaniyang pananalita, hinikayat din ng kalihim ang mga atleta na pagbutihin ang paglalaro na maaaring maging daan upang maging tanyag at matagumpay sa larangan ng palakasan.
Ayon sa kalihim, mataas ang kumpyansa nya na darating ang panahon na madadagdagan ang mga sports champion, sapagka’t sisikapin ng DepEd na mag-train ng coaches (professionally), gayundin ang mga atleta.
Samantala, sa kabuoan, umaabot sa halos 8,000 ang bilang ng mga partisipante na kinabibilangan ng mga ateleta at mga coach.
Pinasalamatan naman ni Mayor Lucilo Bayron ng Puerton Princesa ang PSC sa pagpili sa lungsod upang maging host ng prestihiyosong pang nasyunal na gawain.
“We are very grateful and thankful of your presence in our city, it contributes to our continuing efforts of promoting and projecting our city not only as a destination for ecotourism, not only as a destination for conventions, conferences, meetings and symposiums, not only as a destination for study tours (Lakbay Aral) but also as a destination for national and international sporting events such as this Batang Pinoy National Finals (kami ay nagagalak at nagpapasalamat sa inyong presensya sa aming lungsod, ito ay nakakatulong sa aming pagsisikap na mai-promote at maipakita na ang aming lungsod ay hindi lamang destinasyon para sa eko-turismo, hindi lamang destinasyon para sa mga kumbensyon at malakihang pagpupulong, hindi lamang destinasyon para sa mga lakbay- aral kundi ito ay destinasyon rin para sa mga malalaking kaganapan sa palakasan katulad ng Batang Pinoy National Finals),” pahayag ng kagalakan ni Mayor Lucilo Bayron ng Puerto Princesa sa kaniyang naging pananalita.
Ang Batang Pinoy na dating kilala bilang Philippine Youth Games, ay isang mahalagang bahagi ng pambansang patakaran at programa para sa pagpapaunlad ng palakasan na epektibong matugunan ang mga pangangailangan para sa isang komprehensibong programa sa palakasan na nakasentro sa likas na kasanayan sa palakasan at paglalaro. (Leila B. Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)