Isang anim (6) na buwang gulang na sanggol ang nadagdag nanaman sa listahan ng mga nasawi sa lalawigan ng Romblon dahil sa dengue.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng Romblon News Network, nagmula ang pasyente sa Alad Island, Romblon at na-confine sa Romblon District Hospital noong Biyernes bago ilipat sa isang private hospital nitong Sabado kung saan siya nasawi.
Ang biktima ay ikatlo na sa bilang ng mga nasawi sa lalawigan ngayong taon.
Batay sa taya ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health – MIMAROPA, aabot na sa 430 ang mga naitalang kaso ng dengue sa probinsya ng Romblon mula January ngayong taon hanggang August 19.
Ang bayan na may pinakamaraming naitalang kaso ng dengue ay ang Romblon, sinundan ng San Agustin, Looc, Alcantara, Santa Fe, San Jose, Odiongan, San Fernando, Cajidiocan, San Andres, Calatrava, Magdiwang, Concepcion.
Patuloy ang paalala ng DOH at ng Provincial Health Office sa publiko patungkol sa 4 o’clock habit at ang pagsunod sa 4S kontra dengue, ito ay ang Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation, at Say No To Indiscriminate Fogging.