Tatlong araw nag-ikot sa mga isla ng Tablas at Romblon ang mga miyembro ng Regional Monitoring and Enforcement Team (RMET) ng Department of Trade and Industry (DTI)- Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) mula noong ika-13 ng Agosto para mag-inspeksyon sa mga produktong itinitinda rito.
May aabot sa limampu’t apat (54) na malalaking tindahan ang pinuntahan ng RMET sa mga bayan ng Romblon, San Agustin, Calatrava, at San Andres.
Ang ginawang inspeksyon ay bahagi ng pagsisiguro ng RMET na lahat ng tindahan ay sumusunod sa Department Order No. 2 series of 2007 kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga produkto na hindi nakapasa sa safety standards ng Pilipinas.
Matatandaang isang tindahan sa bayan ng Odiongan ang nakitaan ng RMET noong Hunyo ng paglabag sa Fair Trade Law kaya pinatawan siya ng penalty sa paglabag at kinumpiska rin ang kanilang ibinebentang produkto.
Para mas mapaunlad pa ang kaalaman ng mga mamimili kaugnay sa Consumer Act of the Philippines, inaanyayahan ng DTI-Romblon ang mga ito na makilahok sa kanilang Consumer Congress na isinasagawa sa iba’t ibang bayan sa Romblon.