Isang apat na taong gulang na batang babae sa Romblon, Romblon ang binawian ng buhay nitong Miyerkules matapos tamaan ng dengue virus, ayon sa Romblon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit.
Ang nasabing batang babae ay dinala sa isang private hospital sa Odiongan nitong July 31 para dito ipagamot mula sa Romblon, Romblon ngunit binawian rin ng buhay.
Siya ang pangalawang pasyente ngayong taon sa Romblon na namatay dahil sa dengue.
Batay sa pinakahuling taya ng Romblon Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, as of 10:00am nitong August 1, aabot na sa 264 ang kanilang naitatalang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng dengue virus sa buong Romblon, 126 rito ay galing sa bayan ng Romblon, Romblon kung saan nakatira ang namatay na bata.
May mga naitala na ring kaso mula sa bayan ng San Agustin, Odiongan, Looc, Alcantara, San Andres, San Jose, Sta. Fe, San Fernando at Cajidiocan.
Patuloy ang paalala ng Department of Health at ng Provincial Health Office sa publiko, ugaliing tandaan ang 4S kontra dengue, ito ay ang Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation at Say No To Indiscriminate Fogging.