May aabot sa 350 na binhi ng Narra ang naitanim sa isang tree planting activity sa Magdiwang, Sibuyan Island, Romblon na pinangunahan ng Romblon Police Provincial Office nitong ika-31 ng Agosto.
Bahagi ang tree planting activity ‘Padyak para sa Kalikasan, Romblomanon Paigtingin ang Ugnayan tungo sa Kapayapaan’ na programa ng mga kapulisan sa Romblon.
Ayon sa Provincial Director ng Romblon PPO na si Police Col. Arvin Molina, nanggaling pa sila sa bayan ng Cajidiocan at naglakbay ng tatlumpu’t apat (34) na kilometro sakay ng bisekleta para marating ang Sitio Logdeck, Brgy Tampayang sa bayan ng Magdiwang.
Maliban sa mga kapulisan, nakiisa rin sa tree planting activity ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources, at mga opisyal ng Barangay.
Layunin ng aktibidad na makatulong ang mga kapulisan at iba pang nakilahok sa tree planting activity na mapanatili ang ganda ng kilalang Mount Guiting-Guting na matatagpuan sa isla ng Sibuyan.
Naniniwala si PD Molina na ang mga binhi na kanilang itinanim ay mapapakinabangan ng susunod na henerasyon.