Dalawampu’t dalawa (22) na nagtapos ng Vocational courses sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) – Romblon ang agad na natanggap sa kanilang inaplayan na trabaho sa isinagawang World Café of Opportunities (WCO) sa bayan ng Alcantara nitong Agosto 28.
Ayon kay Romblon TESDA provincial director Armando Aquino, sa dinami-rami ng nagpasa ng resume, 22 rito ang na ‘hired on the spot’.
Ang trabahong may kinalaman sa tourism, at hotel management ang pinaka-pinilahan sa nasabing job fair.
“Pinaka-trend ngayon kasi ‘yung construction at tourism industry dito sa atin at sa ibang bahagi ng Pilipinas kaya maraming trabahong available para jan,” pahayag ni Aquino ng makausap ng PIA-Romblon.
Umabot umano sa mahigit 77 na mga job seekers ang nagtungo sa Romblon National Institute of Technology (RNIT) sa bayan ng Alcantara para lang sumubok ng kanilang kapalaran sa mga employeers na nakiisa sa WCO.
Ang WCO ay highlight ng pagdiriwang ng TESDA-Romblon sa National Tech-Voc Day at sa 25th Year Anniverary mula ng maitatag ang ahensya.
Maliban sa WCO, nagbukas rin ng scholarship ang mga TESDA’s Accredited Schools and Training Centers para sa mga gustong mag-aral ng short courses kagaya ng: Automotive Servicing NC I and NC II, Bread and Pastry Production NC II, Carpentry NC II, Dressmaking NC II, Driving NC II, Electrical Installation and Maintenance NC II, Food and Beverage Services NC II, Food Processing NC II, Masonry NC II, Motorcycle/Small Engine Servicing NC II, RAC Servicing NC II, Shielded Metal Are Welding NC I at II, Tile Setting NC II, Tourism Promotion Services NC II, Events Management Services NC II, Electronic Products Assembly and Servicing NC II.
Meron ring available na course para sa Bartending NC II, Housekeeping NC II, Wellness Massage NC II, Hairdressing NC II, Beauty Care NC II, Heavy Equipment Operation NC II, Computer Systems Servicing NC II, and Computer System Servicing NC II.
Hinihikayat ni Aquino ang mga ‘tambay’ at iba pang gustong mag-aral sa TESDA na lumapit lamang sa kanilang mga accredited training centers.
“Kapag nakapagtapos ka kasi sa TESDA, mabibigyan ka ng National Certificate, isa itong patunay na dumaan ka sa mga training na binibigay ng ahensya. Magagamit mo rin ito sa pag-apply ng mga trabaho sa lokal man o sa ibang bansa,” ayon kay Aquino. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)