Sa darating na Lunes, gaganapin ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni President Mayor Digong Duterte. Asahan na sa kaniyang mga talumpati eh ibibida niya ang mga nagawa na ng kaniyang administrasyon, at mga balak na gagawin pa sa hinaharap.
Kung tutuusin, maganda ang timing ng SONA ng pangulo kung pagbabatayan ang resulta ng mga pinakabagong survey ng Social Weather Station at Pulse Asia, na nagpapakita na malaking bilang ng mga Pinoy ang patuloy na nagtitiwala sa kaniya at nasisiyahan sa kaniyang mga ginagawa.
Bakit ka ninyo dapat matuwa ang mga alipores ni President Mayor Duterte, aba’y ginawa ang mga survey matapos maganap ang insidente sa Recto Bank kung saan binangga ng barko ng mga mangingisdang Tsino ang bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Bukod sa binangga na ang ating mga kababayan, nawala pa ang mga nahuli nilang isda, at iniwan pa silang palutang-lutang sa dagat.
Mabuti na lang at nakahingi sila ng saklolo sa mga mangingisdang Vietnamese, na hindi naman nagdalawang-isip na tulungan sila.
Sabi ng pangulo, gagamitin daw niya ang SONA para bigyan ng lecture ang mga kontra sa pahayag niya na puwedeng mangisda sa EEZ (exclusive economic zone) ang mga mangingisdang Tsino. Isa kasi sa panawagan sa pamahalaan ng mga naagrabyadong nating mangingisdang Pinoy, eh pagbawalan ang mga dayuhan [lalo na ang mga Tsino] na mangisda sa Recto Bank dahil sakop iyon ng teritoryo ng Pilipinas.
Pero sabi ng pangulo, hindi batayan ang EEZ para pagbawalan ang mga dayuhan na mangisda roon at ipaliliwanag daw niya sa SONA kung bakit. Bagaman hindi naman natin mapipigilan ang pangulo na sabihin ang nais niyang sabihin sa SONA, may pakiusap lang ang ating kurimaw na sana ay gamitin na pagkakataon ng pangulo ang SONA upang pasalamatan naman ang mga Vietnamese na sumaklolo sa mga Pinoy.
Bukod sa mga ibibida ng pangulo ang mga nagawa na ng kaniyang administrasyon, at mga gagawin pa, asahan ang ilang mangyayari sa SONA tulad ng pagiging fashionista ng ilang dadalo, ang mala-car show sa ganda ng sasakyan ng mga opisyal; ang mga anggulo ng camera na ididirek ni Joyce Bernal; ang dami ng palakpakan; at higit sa lahat, ang very mini-concert Philippine Harmonic Orchestra.
Maliban sa pagpapaabot ng pasasalamat sa mga Vietnamese, may ilan kurimaw din tayo na nagmungkahi na sana raw ay makarinig sila ng matapang na pahayag mula sa pangulo laban sa patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine at South China Sea; mga dagdag na tulong at benepisyo para sa mga OFW, mga guro at nurse; pagpapababa pa rin sa mga pangunahing bilihin at serbisyo; pag-alis ng EVAT sa produktong petrolyo; tunay na solusyon sa baha at traffic; benepisyo pa sa mga mag-aaral; ayuda sa mga magsasaka para lumakas muli ang produksyon; at protektahan ang mga inosente sa harap ng war on drugs ng gobyerno.
Kayo, ano ang nais “sana” ninyong madinig sa mga ipapangako ng pangulo?
Pero bago ang SONA, bukod sa kung mananalo si Sen. Manny Pacquiao laban kay Keith Thurman sa Linggo, malalaman din muna natin sa Lunes ng umaga kung talagang mauupong Speaker ng Kamara de Representantes itong si Taguig Representative Alan Peter Cayetano. Patuloy kasing hindi mamatay-matay mga tsong ang bulong ng ilang kurimaw natin sa Kongreso na hindi pa rin nakasisiguro si Cayetano na siya ang unang uupong Speaker sa term-sharing nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Kamakailan nga pala eh sinipa na ng Palasyo ang grupo ni Cayetano sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) bilang organizer ng Southeast Asian (SEA) Games na nakatakdang gawin sa Pilipinas sa darating na Nobyembre. Sa halip, ang gobyerno na ang mamahala sa SEA Games.
Ang sinasabing dahilan daw ni President Mayor Digong kaya inalis ang grupo ni Cayetano sa SEA Games ay dahil maraming korapsyon. Kung totoo na may katiwalian sa ginagawang paghahanda sa naturang kompetisyon, ang tanong—alam ba iyon ni Cayetano at pinabayaan lang ba niya? Kung hindi naman niya alam, aba’y anong klase siyang lider?
Sabi ng ating kurimaw, hintayin daw kung makakaapekto sa speakership bid ni Cayetano ang nangyari sa PHISGOC, at kung may ibang pahiwatig ang hindi pagdalo Davao City Mayor Sara Duterte sa SONA, na numero unong tutol na maging Speaker si Cayetano. Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)