Magiging exciting ang natitirang tatlong taon ni President Mayor Digong Duterte kung pagbabasehan ang mga pinakahuling pangyayari tungkol sa sikuhan sa pagiging lider ng Kamara de Representantes at ang napakataas pa ring satisfaction rating ng Punong Ehekutibo.
Nitong Lunes nga, sa kabila ng unang deklarasyon ni President Mayor Duterte na hindi na siya mag-e-endorso ng kandidatong Speaker, natuloy pa rin ang nauna nang lumutang na kasunduang “term sharing” para kina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Mariduque Rep. Lord Alan Velasco.
Sa kasunduan, unang uupong Speaker o lider ng mga kongresista si Cayetano na tatagal ng 15 buwan, at pagkatapos eh si Velasco naman ang papalit para tapusin ang natitirang 21 buwan. Win-win formula raw para mga kaalyado ng administrasyon ang nangyari; pero tanong ng ating kurimaw, panalo rin daw kaya rito ang taong bayan?
Kung tama ang bulong ng ating kurimaw, katakot-takot daw na pag-lobby ang ginawa ng mga “alipores” ni Cayetano na dati niyang mga kasamahan sa Gabinete para makumbinsi si Presidente na gawin siyang Speaker. Katunayan, malaki nga raw ang tulong na ibinigay ni Cayetano sa kampanya ng isang dating opisyal na malapit sa pangulo, at ngayon eh senador. Pangamba ng ating kurimaw, ano raw kaya ang kapalit ng matinding pagla-lobby na iyon ng mga Cabinet member na pro-Cayetano?
Si Leyte Rep. Martin Romualdez naman na sinasabing tunay na may “numero” o sapat na suporta ng mga kongresista para maging Speaker, magiging House Majority leader na lang. Kawawang mama dahil inulan daw ito ng intriga ng kaniyang mga kalaban. Dahil miyembro ng Lakas party, aba’y hindi raw tiyak kung magiging katapatan siya sa administrasyon. Hindi hindi ba bilang Speaker, dapat sa tao ang katapatan mo dahil kinatawan ng mga mamamayan ang mga kongresista?
Samantala, kahit hindi naman siya ang unang uupong Speaker, masuwerte pa rin si Velasco na nakasali pa rin sa term sharing. Balita kasing nabuwisit daw sa kaniya ang pangulo nang itanggi niya ang naturang kasunduan. Hindi ba’t inilaglag na siya ni Davao City Mayor Sara Duterte nang inindorso ng presidential daughter sa pagka-Speaker ang kababayan na si Rep. Isidro Ungab.
Sabi ng ating kurimaw, kung hindi nahilot ni Velasco ang pagkabanas sa kaniya ng pangulo, baka ang naging ka-term share ni Cayetano sa pagka-speaker eh itong si Romualdez.
Ang malaking tanong pa rin, tanggapin kaya ng mga kongresistang sumusuporta kay Romualdez ang “mungkahing” term sharing ng Pangulo? Kung totoo kasi na si Romualdez lang ang may malinaw na bilang ng mga kongresista para maging speaker kahit walang basbas ng Palasyo, aba’y isang resolusyon lang iyan na pirmado nila at mamumuti na sa lungkot sina Cayetano at Velasco sa araw ng pagbubukas ng Kongreso sa July 22.
Pero sa ngayon, si Cayetano ang tinukoy ng Pangulo na magiging Speaker; ang tanong, isusulong kaya niya ang gusto ni President Mayor Digong na Charter change o pag-amyenda ng Saligang Batas? Balikan natin ang pahayag ni Cayetano noong 2012 kung saan alinlangan siyang suportahan ang Cha-cha dahil “divisive” daw ito o sanhi ng pagkakawatak-watak ng mga tao. At nakaraang araw, lumabas tunay na kulay ni Cayetano, kaagad tumahol at itinulak ang “unli term na kaagad binara ni senador Ping Lacson.
Nito namang nakaraang buwan, aba’y “two-track approach” ang hirit niya sa Cha-cha kung saan puwede raw talakayin ang federal form of government at pag-amyenda sa Local Government Code, na kahilera pa rin sa pagpapalakas sa LGUs.
Hindi nakapagtataka lumakas muli ang loob ng administrasyon na isulong ang Cha-cha at pederalismo [o maging ang iba pang kontrobersiyal na panukalang batas] dahil sa napakataas pa rin na satisfaction rating niya na umabot sa 68 percent, batay sa Social Weather Station (SWS).
Iyon nga lang, batay sa nakaraang mga survey, mas maraming Pinoy pa rin ang nagsasabing tutol sila sa Cha-cha. Pero ito pa rin kaya ang saloobin nila ngayon? Dahil mas kontrolado na ngayon ng mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon ang Kamara at Senado, matuloy na kaya ang pag-indak sa Cha-cha? O baka naman maging banderang-kapos uli ito dahil papalag ang mga may ambisyong maging presidente sa 2022? Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)