Nagdala ng pag-uulan sa kalakhang Romblon ang hanging Habagat na pinapalakas ng Bagyong Falcon na kasalukuyang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Sa Sibuyan Island, Romblon halos mag zero visibility ang mga kalsada galing Magdiwang patungong San Fernando dahil sa malalakas na pag-uulan.
Kinansela naman ang klase ng kindergarten hanggang highschool sa bayan ng San Fernando dahil parin sa masamang panahon.
Gabi naman nag paulan sa Tablas Island ang hanging Habagat.
Sa bayan ng Odiongan, nagtagal ng halos tatlong oras ang malakas na pag-uulan na nagsimula bandang alas-6:30 ng gabi at nagtagal hanggang 9:30 ng gabi.
Sa ngayon, naka-blue alert na ang Office of the Civil Defense (OCD) – MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) sa buong rehiyon para paghandaan ang posibleng epekto ng habagat at ng bagyong Falcon sa mga probinsya sa rehiyon.
Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong Falcon kaninang alas-10 ng umaga sa layong 940 km East Northeast ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kph malapit sa gitna at may bugsong aabot sa 60 kph.
Tinatahak nito ang Northwest direction sa bilis na 25 kph at inaasahang lalapit sa kalupaan ng Northern Luzon sa Miyerkules, July 17.