Hiniling ni Romblon Governor Jose Riano sa Sangguniang Panlalawigan na baguhin ang pangalan ng Sulong Family Health Access Program, isang programa ng Provincial Government na tumutulong sa mga maralitang pamilya at mga taong may kapansanan (Person with Disabilities) na mga residente ng Romblon.
Batay sa sulat ni Riano na pinadala sa Sangguniang Panlalawigan, nais nitong ipabago ang pangalan ng programa mula sa Sulong Family Health Access Program patungo sa One Romblon Health Access Program.
Para umano ito ma-embody ng programa ang agenda ng bagong administrasyon na: One Romblon, One Province.
Ang nasabing health access program ay may layuning matulungan mga beneficiaries sa gastusin kapag nagkakasakit dahil sila ay libreng magagamot sa pamamagitan ng Family Health Card na kaloob ng provincial government.
Inilunsad ito sa panahon ni dating Governor Eduardo Firmalo noong 2015 para lamang sa mga senior citizen at PWD hanggang sa maging ordinansa na noong 2017 at ginawang para na sa lahat ng maralitang pamilya sa lalawigan ng Romblon.
Base sa budget ng Provincial Government, meron itong nakalaang pondong aabot sa P10-million ngayong 2019.