Handang tumulong si Congressman Eleandro Madrona sa pagsasaayos ng mga provincial government infrastracture katulad ng Provincial Residence, Provincial Park, at ng Provincial Roads sa Romblon, Romblon.
Ayon sa pahayagang Romblon Sun, nabanggit umano ito ni Congressman Madrona nang ito ay dumalo sa unang flag raising ceremony ng Provincial Capitol sa ilalim ng bagong administrasyon.
Sinabi ni Madrona na pupundahan nito ang mga nabanggit na proyekto, kabilang dito ang pagtatayo ng Multi-Purpose Hall at magdo-donate umano ng 300 upuan at pagpapagawa ng swimming pool.
Nangako rin ito na ipapaayos nito ang Provincial Road sa Barangay Agpanabat patungong Sablayan at kalsadang mula Agbudia patungong Ginpingan sa Romblon, Romblon.
Kung sakaling mapaayos niya umano ang provincial park sa Romblon, Romblon, hiniling ni Madrona na pangalagaan ito ng mga bisitang pupunta rito.
“I don’t want to see cigarette butts thrown and scattered [there],” ayon kay Madrona.
Bilang bahagi rin ng talumpati ni Madrona, hinikayat nito ang mga emplyeado ng Provincial Capitol na iangat ang sipag sa pagtatrabaho para makatulong sa nakaupong Gobernador upang marami pa ang magagawang mga proyekto.
Bago magwakas ang talumpati ng nagbabalik na mambabatas, pinasalamatan nito sina Vice Governor Felix Ylagan, SP Bing Solis, at SP Judge Madrid sa pakikiisa sa unang araw na paglilingkod para sa lalawigan. — with reports with Suico Romero of Romblon Sun.