One of the greatest gifts you can bestow upon another is Kindness. If someone is in need, lend them a helping hand. Do not wait for a thank you. True kindness lies within the act of giving without the expectation of something in return — Anonymous
Dala-dala ang mga nabanggit na kataga, umakyat ng bundok mula sa kapatagan ng Sibuyan Island ang mga kapulisan ng Romblon Police Provincial Office para bumisita sa mga katutubong nakatira sa Sitio Layag, Brgy. Taclobo bayan ng San Fernando, Romblon nitong July 24 hanggang 25.
Sa pangunguna ni Police Lt. Col. Noel Tulud, inakyat ng mga kapulisan ang bundok na may layong halos 6km mula sa national road, dala-dala ang ilang food packs, at damit na ipapamigay nila sa mga katutubong Sibuyan Mangyan Taga-Bukid.
Kasabay ng pamamahagi ng mga damit at pagkain, nagkaroon rin ng libreng haircut para sa mga katutubo, pagbibigay ng libreng hygiene kits, at parlor games para sa mga bata.
Ayon kina Mr. Daniel Recto, Chieftain, at Mr. Erwin Raras, Teacher In-Charge ng Layag Cultural Minority School, masaya silang nakarating ang mga kapulisan sa kanilang lugar at nakapagbigay ng tuwa at saya sa mga katutubong nakatira sa Sitio Layag.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng mga kapulisan sa kanilang 24th Police Community Relations Month na may tema ngayong taon na: “Sambayanan, Mahalagang Kaakibat ng Kapulisan sa Pagtataguyod ng Mapayapa at Maunlad na Sambayanan”.