Isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakapagtapos ng kanyang pag-aaral ng Junior High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
Siya si John Carl Marin, residente ng Brgy. Dulangan, Magdiwang, Romblon.
Ayon sa DSWD Field Office – MIMAROPA, pinarangalan si Marin bilang achiever sa kanilang pagtatapos noong June 9.
“Alam ninyo bang sobrang saya ko nang malaman kong dahil sa programang ito ay makakahabol na ako sa mga kaedad kong nagsipagaral na ngayon sa kolehiyo,” ayon kay Marin sa kanyang talumpati.
Si Marin ay tumigil noon sa pag-aaral matapos mapa-barkada ngunit dahil sa tulong ng mga tauhan ng DSWD at ng ALS ng DepEd, itinuloy nito ang pag-aaral na tinitingnan niya na makakatulong sa kanya at sa kanyang pamilya.
“Maraming dahilan kung bakit tayo naging drop-out. Ang iba ay nagkasakit ng malubha, may financial problem, walang magulang na gumagabay, malayo ang tirahan sa paaralan, kung hindi naman ay sadyang naligaw lang ng landas. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat sa ALS, ito ang nagbigay sa atin ng ikalawang pagkakataong makapag-aral at makagraduate,” ayon kay Marin
Lagi nating isaisip na tayo ang huhubog ng ating kinabukasan kaya sana wag nating sayangin ang pagkakataong ito na ibinigay sa atin, bibihira lang po ito. Wag na nating pakawalan, wag tayong masilaw sa agarang pagkakaroon ng pera,” dagdag ni Marin.
Panghuling mensahe ni John Carl, sinabi nitong ‘Naalala ko pa ang isang paalala ng aming guro noon, oo nga at kikita ka ngayon ng tatlong daang piso sa isang araw pero higit pa sa doble ang kikitain mo kung ikaw ay nakapagtapos ng pag-aaral. Sinabi pa niyang ang investment na may pinakamataas na interest ay sa edukasyon.’
Samantala, sinabi ng DSWD Fiel Office – MIMAROPA sa kanilang Facebook Page na ang Pantawid Pamilya ay nakikipagtulungan sa ALS upang muling magbalik sa pag-aaral ang mga batang benepisyaryo ng programa na tumigil sa pagpasok sa eskwelahan dahil sa iba’t ibang dahilan at isa na rito John Carl sa patunay na hindi hadlang ang kahirapan upang magpatuloy sa pag-aaral.