Nilimitahan ni Governor Jose Riano ang mga doctor sa Romblon Provincial Hospital at iba pang public hospitals sa probinsya ng Romblon sa paniningil ng kanilang professional fee tuwing may operasyon.
Sa bisa ng isang executive order na pinirmahan ni Riano noong July 1, bawal na singilin ng professional fee ng mga doctors ng RPH ang mga indigents, senior citizens, at persons with disabilities maliban sa mga professional fees na pwedeng i-charge sa Philhealth.
Sinabi na ang executive order ay effective hanggat hindi nare-revoke.
Samantala, sa panayam ng Romblon News Network kay Dr. Ben Anatalio, Chief ng Romblon Provincial Hospital, sinabi nito na wala pa silang natatanggap na opisyal na communication mula sa Governor’s Office kaugnay sa executive order ngunit alam niya na umano ito bago pa pirmahan ni Riano.
“Nabasa ko na habang draft palang yan, at maganda yan para sa mga senior citizens na noon ay 20% lang ang nababawas, at sa mga Indigents na wala ng babayaran ngayon,” pahayag ni Dr. Anatalio.
Siniguro naman ni Anatalio na susunod ang mga Doctor ng Provincial Hospital sa nasabing kautusan.
“Kung sakaling dumating na sa akin ‘yung papel, ilalagay ko yan sa mga wards as tarpulin para mabasa ng buo ng mga pasyente,” dagdag ni Anatalio.