Dinayo ng ilang mga esport players mula sa iba’t ibang bayan sa Tablas Island, Romblon ang pinakamalaking esport tournament sa Romblon na ginanap sa bayan ng Odiongan nitong Sabado, July 13.
Hatid ng Smart Telecom sa pangunguna ni Jimmy Tan, kasama ang Sangguniang Kabataan Federation at Local Government Unit ng Odiongan sa pangunguna nina SK President Kyla Yap, at Mayor Trina Firmalo-Fabic, ang isang araw na tournament ng sikat na mobile game na ‘Mobile Legends: Bang Bang’.
Ayon sa organizer ng event, aabot sa 26 na grupo na binubuo ng limang player ang sumali sa kanilang palaro.
“Sa katunayan niyan may sumali rito na mga taga-San Andres, Santa Maria, at kahit kalapit na isla ng San Jose, ay bumiyahe sa Odiongan para sa tournament,” ayon kay Jimmy Tan.
Sa huli, itinanghal na champion ang grupong LAYLA Main na binubuo ng mga manlalarong sina Paul Patrick Fos, Jhon Kharl Adenig, Paul Garcia, Vince Eric Fodra, at Paulo Jake Fran, na pawang mga mula ng bayan ng Odiongan. Nag-uwi sila ng aabot sa P10,000 na cash bilang premyo.
Layunin ng palaro na mahikayat ang mga kabataan na lumayo sa masasamang bisyo katulad ng droga at sa mga masasamang gawain.