Good vibes ang hatid ng tatlong pulis dahil habang nagsasagawa sila ng bike patrolling nitong Lunes, July 23, sa bayan ng Odiongan, sinabay nila rito ang pangungulekta ng mga maliliit na basura na nasa kalsada.
Dala-dala ng tatlong pulis ang isang trash bags habang sakay sila ng kanilang mountain bikes at nag-ikot sa Odiongan.
Kinilala ang tatlong pulis na sina Senior Master Sergeant Evaristo Famero, Senior Master Sergeant Rene Guirindola, at Staff Sergeant Raymund Rombines, pawang naka-assign sa Odiongan Municipal Police Station na nasa pamumuno ni Captain Manuel Fernandez Jr.
Ayon sa kanila, ang ginawa nilang aktibidad ay tinawag nilang Padyak Para sa Kalikasan, at bahagi umano ng kanilang pagdiriwang sa PCR Month ngayong taon.
Nakakolekta sila ng mga basura katulad ng empty bottles, cellophanes, plastics, sacks, at iba pang waste materials na nasa gilid ng mga kanal at kalsada.
Ayon sa tatlo, eye sore umano ang mga basura kaya naisipan ng Odiongan Municipal Police Station na gumawa ng ganitong aktibidad para makatulong sa kalikasan at sa kalinisan ng Odiongan.
Sa huli, dinala nila sa isang Barangay Material Recovery Facility ang mga basura para doon i-disposed.