Ramdam na ang maaliwas na panahon sa ilang lugar sa lalawigan ng Romblon ngayong Huwebes, July 18.
Sa bayan ng San Fernando, Romblon, sinabi ni Mayor Salem Tansengco sa Romblon News Network na maganda na ang panahon sa kanilang lugar at panaka-naka nalang ang nararanasang pag-uulan.
“Kalmadang-kalmada na dito at maliwanag na ang kalangitan, wala na ring ulan,” ayon kay Tansengco.
Maganda na rin umano ang panahon sa Isla ng Simara, ayon kay SB member Lowie Fetalvero nang makausap ng Romblon News Network.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), light to moderate rains nalang ang mararanasan ng Romblon ngayong hapon habang patuloy na lumalayo ng kalupaan ang bagyong Falcon.
Huling namataan si Falcon kaninang alas-10 ng umaga sa layong 385 km North Northeast ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75kph at may bugsong aabot sa 90kph.
Gumagalaw si Falcon patungong North sa bilis na 20 kph.
Samantala, balik na sa normal ang biyahe ngayong tanghali ng RORO vessel na rumuruta patungo at pabalik ng Magdiwang, Romblon, San Agustin, Banton, Marinduque at Lucena matapos na kanselahin kahapon ng Philippine Coast Guard ang biyahe nito dahil sa masungit na panahon.
Nanatili namang walang biyahe ang mga maliit na bangka dahil sa nakataas na gale warning sa probinsya.