Isinangguni ni Romblon councilor Lyndon Molino na solusyunan ang isang lumalalang open dump site sa Sitio Luway, Barangay Cajimos na maaaring pamahayan ng iba’t-ibang sakit.
Ayon kay Molino, isang residente ng sitio ang dumulog sa kanyang opisina para bisitahin at makita ang sitwasyon ng nasabing open dump site.
Sa pagsasalarawan ni Molino, ang lugar ay pinamamahayan na ng mga langaw at pinagpupugaran ng mga asong gala, sanhi na maaaring magdulot ng sakit sa mga residente malapit dito.
Naging paksa ito ng privilege speech ni Molino noong ika-12 ng Hulyo upang ipaalam sa Sangguniang Bayan ng Romblon ang kanyang nadatnan.
Binigyang diin ni Molino na ang nasabing open dump site ay taliwas sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act na nagbabawal sa patuloy na operasyon ng “open dumps.”
“I am afraid that this open dump is a flagrant violation of Republic Act No. 9003, otherwise known as the Ecological Solid Waste Management Act of 2000 considering that it clearly prohibits the continued operation of open dumps beyond 2005,” sabi ni Molino.
Dahil sa mga nabanggit, nanawagan ang konsehal ng agarang solusyon para maibsan ang lumalalang sitwasyon ng open dump site at pagpapatayo ng “waste management facility” dito na naaayon sa batas.
“I appeal to all concerned particularly the Executive Department to look into this matter and take appropriate measures to abate the situation and to expedite the construction and operation of a waste management facility that is compliant with government standards and regulations,” sabi ni Molino.