Umakyat na sa 191 ang taong tinamaan ng dengue virus sa lalawigan ng Romblon mula January hanggang July 20, 2019, ayon sa tala ng Regional Epidemiology & Surveillance Unit ng Department of Health – MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan).
Pinakamaraming bilang ang naitala sa bayan ng Romblon kung saan may 89 kaso na ng dengue; sinundan ito ng Looc na may 27 na kaso, at ang Odiongan at Alcantara na pawang may 17 na kaso.
May naitala na ring kaso sa mga bayan ng Santa Fe (15), San Jose (9), San Agustin (8), San Andres (5), San Fernando (2), at sa Cajidiocan (2).
Hindi katulad noong nakaraang taon, walang naitatalang namatay sa probinsya dahil sa dengue virus.
Ayon pa sa Regional Epidemiology & Surveillance Unit, maliit na porsyento lang ang bilang ng mga tinamaan ng dengue virus sa Romblon kung ikukumpara sa ibang probinsya sa regiyon kagaya sa Palawan na umabot na ng 1,834 ang naitalang kaso.
Sa pahayaga naman ng pamunuan ng DOH – Romblon, nagpapatuloy ang 4s campaign ng DOH at mayroon na ring mga LGUs ang nagpapausok sa kanilang mga nasasakupan para mapatay ang mga lamok na may dalang dengue virus.
Sa Buenavista Elementary School sa bayan ng Looc, nagsagawa na ng misting nitong nakaraang linggo ang ilang volunteers para masigurong ligtas ang mga estudyante sa kanilang araw-araw na pagpasok sa nabanggit na paaralan.
Pinangunahan ito ng REACT Philippines Inc. sa ilalim ni Ginoong Remy Garcia.