Isang babaeng green sea turtle ang pinakawalan sa dagat sa Barangay Canduyong sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong Miyerkules ng hapon, apat na araw matapos itong mailigtas sa pagkaka-trap sa ginagawang kanal sa nabanggit na barangay.
Ayon kay Engr. Raymund Inocencio, ang nasabing green sea turtle ay nakita ng isang residente sa Barangay na na-trap sa ginagawang kanal at nanghihina kaya ito inilapit kay Barangay Captain Jerry Tombocon.
Dahil sa isip ni kapitan ay hindi ito pwedeng ibalik sa dagat sa sitwasyon nito, dinala niya ito sa Marine Center para patingnan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Department of Environment and Natural Resources.
Apat na araw matapos itong magpalakas, napagdesisyunan ng grupo ni Engr. Inocencio na ibalik sa dagat ang pawikan na may habang 42cm.
Bago nila ibalik, nilagyan muna nila ito ng tag bilang tanda na nasuri na siya ng mga taga-DENR.
Paalala ni Inocencio sa publiko, kung sakali umanong may mapadpad sa kanilang pawikan, unahin muna itong ilagay sa malilim na lugar tapos lagyan ng takip ang mata para hindi masyado gumalaw ang palikpik at hindi mapagod at ma dehydrate.
Pagkatapos nito ay Ipagbigay alam umano agad sa kinauukulan para masuri bago pakawalan sa dagat.