Aabot sa mahigit isang libong empleyado ng mga LOTTO at Small Town Lotteries (STL) sa probinsya ng Romblon ang apektado ng pagpapahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang operasyon nitong Linggo, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) – Romblon Field Office.
Batay sa kanilang profiling, aabot sa 1,016 na empleyado ng mga Lotto outlets at STL sa mga bayan ng Odiongan, Ferrol, San Andres, Calatrava, San Agustin, Sta. Maria, Magdiwang, Cajidiocan, San Fernando, Corcuera, Banton, Concepcion, at Romblon, Romblon ang naapektuhan ng pagsasara.
Nangangamba naman ang ilang lotto outler owners dahil posibleng ikalugi nila ang pagpapahinto ng kanilang operasyon.
“Kakabayad ko lang ng bond applicable for 2 years sa PCSO noong July 27, 2019. Hindi ko alam kung mababawi ko pa iyon,” ayon kay Reynaldo Romero, Lotto Outlet owner.
Samantala, humiling naman sa gobyerno ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho sa probinsya.
“Kung sakaling hindi na mag-operate ang lotohan, sana po ay mabigyan kami ng ayuda ng gobyerno. Hindi po kasi sapat yung kinikita ko sa paglalako ng kakanin,” ayon kay Rosita Rubion, Sale Representative.
Tiwala naman umano sila kay President Duterte na muli niyang ibabalik ang operasyon ng mga palaro ng PCSO.
Matatandaang pinatigil ito ng Pangulo dahil umano sa kurapsyon sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office na dapat umanong maayos.