Kasabay ng mga lokal na opisyal ng bayan ng Odiongan, pormal ng nanumpa ngayong araw bilang bagong Bise Gobernador ng lalawigan ng Romblon si Felix “Dong-Dong” Ylagan.
Si Ylagan ay nanalo sa nagdaang May 2019 National and Local Elections kontra kay SP Arming Gutierrez.
Ipinanganak noong taong 1979. Si Dong-Dong Ylagan ay apo ng dating isa sa pinakamalaking negosyante sa Odiongan, Felix Barredo Ylagan Sr. Siya rin ay apo sa pinsan ng kanyang lolo sa nanay na si dating Governor Patriotismo Fondevilla ng San Andres.
Ang kanyang mga magulang ay si dating Gobernador at Congressman Totoy Ylagan ng Odiongan at Divina Fondevilla ng Looc na apo ng dating Looc Mayor Crispin Grimares.
Si Ylagan ay nakapagpasa ng iba’t ibang ordinansa at resolusyon matapos magsilbi ng siyam na taon bilang SP member ng lalawigan katulad ng: Romblon Anti Drug Abuse Council, Romblon Environmental Code, Romblon Investment and Incentives Code, Discount on early payment of Real Properties, Anti-Red Tape o Romblon Citizens Charter at pagiging isa sa pangunahing sponsor sa Sulong Health Card at Public Employment Service ng Romblon.
Sa panayam noon ng Romblon News Network kay Ylagan, sinabi nito na magsisilbi siyang tulay ng Gobernador sa Sangguniang Panlalawigan.
“Sa pagiging Vice Governor sa suporta ng ating mga kababayan dala ko ang karanasan at pag asang may maitutulong ang bagong henerasyon sa ating lalawigan. Nais ko rin maging tulay sa Gobernador at Sangguniang Panlalawigan sa pagbibigay ng tamang prioridad sa ating mga kababayan,” pahayag ni Ylagan.