Kung katulad namin kayong laging nakatutok sa mga balita, tiyak na mapapansin niya ang sunod-sunod na titulo ng mga balitang “Babae, pinatay at hinihinalang ginahasa.”
Para pa lang nitong nakaraang buwan ng Mayo, aba’y ilang insidente na ng rape-slay ang naibalita sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ang ilan pa nga sa mga biktima, bata. Gaya ng anim na taong gulang na babae na ginahasa, pinatay, inilagay sa sako at itinapon sa bakanteng lote sa Negros Occidental.
Ang suspek sa krimen, kapitbahay niya.
Isang limang taong gulang din na babae ang nakitang patay sa isang bag na gawa sa sako sa Laguna. Ang biktima, hinalay din umano ng kaniyang kapitbahay. Hindi lang iyon, may mga insidente rin ng mga babaeng nakita ang bangkay na pawang inabuso tulad sa Pangasinan, Bohol, Muntinglupa, Batangas, Cebu, Aklan, Samar at iba pa.
But wait mga tsong, ang tinutukoy pa lang natin dito eh rape-slay o pinatay ang mga biktima ng panggahasa. Ibang usapan pa ang mga kaso ng panggahasa na buhay ang mga biktima at ang mga suspek ay madalas kamag-anak, kapitbahay, kakilala, karpintero, ka-chat at maging guro. Himutok nga ng isa nating kurimaw, “What’s happening in our country?!”
Hindi maalis ng ating kurimaw na magtanong kung katulad na rin daw tayo ng India na problema ang mga insidente ng rape. Sa isang ulat noong nakaraang taon, sinasabing nasa 100 sexual assaults ang naiuulat sa pulisya ng India bawat araw, na batay daw sa kanilang National Crime Records Bureau. Noong 2016, umabot daw sa halos 39,000 insidente ng sexual assaults ang naitala sa naturang bansa, na mas mataas ng 12 porsiyento noong 2015.
Sa Pilipinas, may ulat na batay sa datos ng Center for Women’s Resources (CWR) mula Enero hanggang Oktubre noong 2016, may naitalang 7,037 rape cases sa buong bansa. Sabi naman sa isang ulat mula sa isang partylist representative noong 2018, mayroon daw 20 kaso ng rape ang naitatala sa pulisya. Batay daw ito sa 2,962 rape cases na naiulat sa pulisya mula Enero hanggang Mayo ng 2018.
Ang tanong ng ating kurimaw, ano raw kaya ang nararamdaman ng mga kababaihan ngayon? Tingin kaya nila eh safe pa sila sa mga hayok na kalalakihan? Bakit nga ba tila dumadami ang mga nauulol sa seks at kahit ang mga bata eh hindi na nila pinapatawad? At ang mga biktima eh pinapatay pa nila.
Ano kaya ang dapat gawin para magdalawang-isip ang mga kumag bago nila gawin ang katarantaduhan nila? Dapat nga bang isama ang mga sangkot sa rape-slay kapag muling binuhay sa Kongreso ang death penalty? Sa ngayon ngayon kasi, may nakabinbin na mga panukala na ibalik ang parusang bitay pero doon lang sa mga sangkot sa paggawa at pagpapakalat ng droga.
Maliban sa mga kaso ng rape, nagiging kapansin-pansin din mga tsong ang pagdami ng mga “scandal” [nude o sex video] man. Kung tutuusin, parang biktima na rin ng rape ang mga kababaihang ipinapakalat ang mga pribado nilang larawan nang wala silang permiso.
Kamakailan nga, naging usap-usapan mga tsong ang ilang graduating high school students na may pakana raw ng pagpo-post sa private chat group ng mga larawan at video ng mga babaeng estudyante na nakahubad. Nabisto ang kalokohan ng mga estudyante at nagkaroon ng panawagan na huwag silang payagan na magtapos.
Pagkatapos ng iskandalong ito sa high school, aba’y may katulad ding iskandalo sa isa namang unibersidad sa Metro Manila. Iniimbestigahan na raw ng pamunuan ng eskwelahan ang insidente. Iyon nga lang, kawawa ang mga babaeng biktima. Dapat gumawa ng kinauukulang hakbang ang mga awtoridad upang maalis kaagad ang mga larawan at nang hindi na kumalat sa internet.
Dahil na rin sa mga modernong gamit ngayon tulad ng mga maliit na camera at mga smart phone, nagiging madali na ang pagkuha ng video at larawan. Hindi ba’t nagkaroon din ng ganitong iskandalo mga tsong sa Korea at may mga K-pop artist pang nasangkot.
Iba na talaga ang panahon ngayon mga tsong. Kaya doble ingat talaga ang dapat gawin ng mga kababaihan at doble trabaho ang gawin ng kapulisan para mawala ang mga hayok sa laman.Pero kung kayo ang tatanungin mga tsong, anong dapat gawin sa mga manyak? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)