Handa na umano ang Romblon State University sa pagpasok sa darating na Agosto ng aabot sa mahigit kumulang 3,000 – 4,000 na first year students sa pamantasan.
Ayon kay Dr. Arnulfo De Luna, presidente ng Romblon State University, ang 3,000 – 4,000 na bilang ay kabuoan lamang ng mga first year students na papasok sa mga campus ng Odiongan, San Andres, Santa Fe, San Jose, Santa Maria, San Fernando, Cajidiocan at sa extended campus na Sawang sa Romblon.
“More or less, we expect more than 3,000 first year [this academic year 2019-2020],” ayon kay De Luna ng makapanayam ng mga mamahayag nitong Lunes, June 3, sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon sa Odiongan.
Ang academic year 2019-2020 ng Romblon State University ay magsisimula sa August 5, alinsunod sa pagpapalit ng calendar year ng mga paaralan na nasa ilalim ng CHED.
Aniya, may iba’t ibang proyekto ang Unibersidad na mas makakatulong sa pag-aaral ng mga estudyante, katulad nalang umano ng paglilipat ng College of Agriculture, Fisheries, and Forestry sa Agpudlos, San Andres.
May 72 vacant positions rin umano ang RSU para sa mga gustong mag-apply ng Instructor 1 sa unibersidad ngayong bilang isa sa mga magtuturo sa kabuoang aabot sa 11,000 hanggang 12,000 na estudyante na papasok sa ngayong taon.
Inaasahan naman umanong mas dadami pa ang estudyente ng unibersidad kapag nakompleto na ang transition ng K-12 Program ng Department of Education sa taong 2021.
Sinabi ni De Luna na nasa ikalawang taon na ang transition ng K-12 Program sa Romblon State University, kaya umano walang second year students ngayong taon sa pamantasan.