Lumubo na sa aabot sa 174,888 na puno ng niyog sa bayan ng Calatrava at San Agustin ang apektado ng cocolisap ayon sa pamunuan ng Philippine Coconut Authority – Romblon (PCA-Romblon) nitong Lunes, June 17, nang makapanayam sa Kapihan sa PIA-Romblon.
Ayon kay Protacio Rubia, Agriculturist II ng Philippine Coconut Authority Romblon, sa pinakahuling datus ng kanilang opisina na kinalap hanggang June 14, halos 5.98% ng niyogan sa bayan ng San Agustin ang apektado ng cocolisap habang 24% naman ng niyogan ang apektado sa Calatrava.
Sa pangkahalatan umano may 7,820,095 na puno ng niyog na nakatanim sa 58,270 hectares na niyogan sa probinsya.
Aabot na rin umano sa mahigit P1.1-million pesos ang nagastos ng Philippine Coconut Authority sa ginagawa nilang pruning activity sa mga apektadong puno simula noong March 2018.
Ang mga cocolisap isang ‘distructive insect’ na umaatake ng mga puno ng niyog sa pamamagitan sa pagkain sa kanilang mga dahon, bunga, at bulaklak kung saan tanging trunk nalang ng puno ang matitira.
Paliwanag ni Rubia, mas mabilis kumalat ang mga cocolisap lalo pagmainit ang panahon ngunit sinisiguro umano niya na patuloy ang ginagawa ng PCA na aksyon para mabawasan ang pagkalat ng mga cocolisap sa iba pang niyogan.
Sa ngayon, hindi pa naman umano malaki ang epekto ng cocolisap sa coconut industry sa probinsya dahil maliit palang naman umano ang lugar na apektado ng mga nabanggit na insekto.