Isang lalaki sa bayan ng Romblon, Rombon ang inaresto ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station matapos lumabag sa Forestry Reform Code of the Philippines at sa Chainsaw Act of 2002.
Ayon kay Captain Lendilyn Ambonan, tagapagsalita ng Romblon Police Provincial Office, ang suspek na kinilalang si Norberto Marino, 42, ay naaresto matapos maaktuhan ng mga tauhan ng pulisya na nagpuputol ng puno ng Mahogany at Narra.
Wala umanong maipakitang permit ang suspek sa pagputol at sa gamit nitong chainsaw nang siya ay hanapan ng mga otoridad kaya agad siyang inaresto.
Dinala na sa Romblon Municipal Police Station ang mga lumber na nakuha sa suspek na aabot sa mahigit P50,000 ang halaga.
Inaasahang sasampahan ng kaukulang reklamo ang suspek sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources sa bayan ng Odiongan dahil sa mga paglabag nito.
Ayon sa pulisya, magsumbong agad sa mga kinauukulan kung sakaling may kahinahinalang mga taong nagpuputol ng puno sa kanilang lugar na walang mga permit para maprotektahan umano ang kalikasan.