Binasbasan nitong Martes, June 18, ang itinatayong Building 3 ng Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ito nina Incumbent Governor Eduardo Firmalo, Chief of Hospital Dr. Benedict Anatalio, at Dr. Ruth Cervo, chief ng DOH-Romblon.
Ayon sa pahayag ni Governor Firmalo sa mga dumalo, ang nasabing building ay ipinatatayo ng Provincial Government at pinondohan kasama ng Department of Health sa pamamagitan ng kanilang Health Facilities and Enhancement Program (HFEP).
Sinabi rin ni Firmalo na ang Building 3 kapag matapos ay didikit sa Building 2 kung saan matatagpuan ang wards para sa mga pasyenteng ooperahan.
Batay sa plano ng nasabing building, ito ay may elevator na sagot sa mga pasyenteng persons with disabilities o PWD.
Ayon pa kay Firmalo, malaking tulong ang bagong gusali sa mga residente ng lalawigan lalo na sa mga mako-confine sa ospital dahil madadagdan ang bilang ng mga pasyenteng kayang tanggapin ng ospital.
Inaasahang matatapos ang construction ng building sa susunod na taon.
Matatandaang taong 2014 nang buksan sa publiko ang Building 1 ng Romblon Provincial Hospital na pinagtulungang ipagawa ng Provincial Government at ng Department Health, sinundan ito ng pagpapasinaya sa Building 2 ng RPH.