Binasbasan at pormal nang binuksan ang bagong gawa na ikatlong palapag ng bagong gusali ng Romblon District Hospital (RDH) sa kabisera noong nakaraang linggo.
Ang blessing at opening ceremony ay pinangunahan nina Governor Eduardo Firmalo, Dr. Eugene Sionosa, OIC ng RDH at Judy Roxas, Chief Nurse ng naturang ospital.
Sinabi ni Engr. Jerome Maestre, namahala sa naturang proyekto, na karagdagang P14,640,902.22 ang ibinigay ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Health Facilities and Enhancement Program (HFEP) at nag-allocate rin ang pamahalaang panlalawigan ng Romblon ng halagang P9,966,761.51 upang matapos ang ikatlong palapag ng RDH, malagyan ng roofing, stair handrails at railings, magawa ang rampa, comport rooms, mapinturahan ang gusali at makompleto ang iba pang pasilidad sa naturang ospital.
Layunin ng pagsasaayos ng RDH na maka-responde sa lumalaking populasyon sa Romblon na mangangailangan ng mga serbisyong medikal para sa mga taga-Romblon, Romblon at maging sa mga karatig na munisipyo nito sa Sibuyan island, Corcuera at Banton.
Ayon kay Gov. Firmalo, malaking tulong ang bagong gusali sa mga residente ng Romblon lalo na sa mga mako-confine sa ospital dahil ang bagong 3rd floor ay para sa mga lalaki at babae na patient wards at private rooms.
Magugunita na noong 2016 ay pinasinayaan na ang una at ikalawang palapag ng bagong gusali ng Romblon District Hospital (RDH) na pinondohan ng DOH ng halagang P40 milyon.
Ang naturang gusali ay makakatulong para mapunan ang kakulangan sa patuloy na pagdami ng populasyon ng Romblon at kaya na nitong ma-accommodate ang mas maraming pasyente.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga department heads ng Romblon Provincial Government, Vice Governor-elect Felix Ylagan, SP-elect Bing Solis at SP-elect Jose Madrid para sa ikalawang distrito ng probinsiya. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)