Umabot sa dalawandaan limampu’t dalawang examinees mula sa lalawigan ng Romblon ang kukuha ng career service examinations – pen and paper test (CSE- PPT) sa Agosto.
Ayon kay Rowena M. Cunanan, Chief, HR Specialist at caretaker ng CSC-Field Office Romblon, 227 ang nagpatala para kumuha ng professional exam at 25 naman ang sasailalim sa sub-professional exam.
Ang mga nagparehistrong kukuha ng career service eligibility sa darating na Agosto 4 ay kukuha ng pagsusulit sa mga testing centers na nakatalaga Lungsod ng Calapan, Batangas, Lucena, Dasmariñas, Cavite at Sta. Cruz, Laguna.
Ang CSE- PPT ay dalawang beses ginagawa sa isang taon, kung saan ang una ay ginanap nitong Marso at ang ikalawa ay gagawin sa Agosto.
Ang mga aplikante ay dapat makakuha ng gradong hindi bababa sa 80 porsyento upang makapasa at magawaran ng “eligibility” na siyang magbibigay ng pribelehiyo sa isang indibiduwal na makapagtrabaho sa gobyerno o anumang tanggapan ng pamahalaan.
Maliban dito ay may mga ginagawa ring eksaminasyon ang CSC tulad ng Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE) at Pre-Employment Test, Promotional Test Ethics-Oriented Personality Test (EOPT). (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)