Nagsimula na umano ang vote-buying sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Romblon nitong mga nakalipas na araw, ayon sa panayam ng mga lokal na mamahayag kay Sangguniang Panlalawigan member Felix Ylagan.
Ayon kay Ylagan, ilan sa kanilang mga taga-suporta sa Barangay Carmen ay nakatanggap ng semento, yero, plywood at iba pang construction materials mula sa ilang grupo at partido na hindi na nito pinangalanan.
“Ipinaabot ng aming mga lider sa San Agustin na each family received materials, yero, semento, from certain group of candidates,” sinabi ni Ylagan.
Nakatanggap rin umano sila ng sumbong na may ilang namimili ng boto na dinadaan sa tila pyramiding scheme ang pagrecruite kung saan ang isang leader ay maglilista ng pangalan ng mga botante sa kanilang lugar at pangangakuan ng halaga ng pera o gamit bago dumating ang eleksyon.
Humiling si Ylagan sa publiko na bantayan ang mga boto, at iwasan ang mga namimili ng boto para sa isang kandidato.
“Nananawagan po kami sa ating mga kababayan, sa aming mga volunteer at kahit doon sa non partisan na maging vigilant po tayo, kung makapag create tayo ng watch group sa darating na eleksyon ay malaking bagay ito,” ayon pa kay Ylagan.
Samantala, wala pang ibinibigay na pahayag ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay rito.
Si Ylagan ay kandidato sa pagka-bise Gobernador sa lalawigan ng Romblon kung saan makakalaban nito si incumbent SP Arman Gutierrez. (with reports from Tony Macalisang/Romblon Sun)