Ngayong naiproklama na ang nanalong 12 senador sa katatapos na halalan, nakatuon naman ngayon ang atensyon ng mga mahilig sa pulitika sa kung sino ang magiging lider ng mga kongresista, na kung tawagin ay House Speaker.
Tanong ng isa nating kurimaw na idol ang dating Speaker na si Joe De Venecia, bakit daw ba “Speaker” ang tawag sa lider ng Kamara de Representantes, gayung ang lider ng kabilang kapulungan eh “Senate President” ang tawag? Dapat bang baguhin ang tawag sa lider ng Kamara bilang “House President?” O baka ang tawag sa lider ng Senado ang dapat papalitan ng “Senate Speaker?”
Sa pagpasok ng bagong Kongreso sa July, magkakaroon ng bagong lider sa Kamara na pinamumunuan ngayon ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo, na tapos na ang termino bilang kongresista. Sa Senado, mukhang walang ibang gustong humamon sa dabarkads na si Sen. Tito Sotto, kaya malamang na siya pa rin ang maging lider ng Senado.
Pero sa Kamara, apat na kongresista ang pumuporma at nagpapalutang ng kanilang pangalan: sina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Sa apat, medyo lamang si Alvarez dahil kumbaga sa laro, nanggaling na siya doon. Dating Speaker si Alvarez pero napatalsik nang makabanggaan niya ang anak ni President Mayor Digong Duterte, na si Davao City Mayor Sara Duterte. Ang resulta ng kudeta sa Kamara, si Arroyo ang ipinalit kay Alvarez.
Pero kung sasabihin na malabo ang tiyansa ni Alvarez na mabawi ang kaniyang trono sa Kamara dahil mukhang galit pa rin sa kaniya si Mayor Sara, aba’y think twice. Nitong nakaraang halalan, tinapatan ni Mayor Sara ng kalaban si Alvarez, at resbak pa niya ang matitinding angkan ng mga politika sa Davao region na mga Floirendo at Del Rosario. Pero ang resulta ng halalan, panalo pa rin si Alvarez at bata nitong kandidatong gobernador. Habang ang mga bata ni Mayor Sara, talo.
Hindi rin dapat ismolin ang tiyansa ni Velasco na maging speaker dahil pinaniniwalaan na siya ang “manok” ni Mayor Sara para maging susunod na lider ng Kamara. Mantakin mo, Sara din pala ang pangalan ni Cong. Velasco.
At gaya ni Pres. Digong at Mayor Sara, rider din o mahilig sa motorsiklo si Velasco. Ang tanong nga lang, dahil parehong PDP-Laban sina Alvarez at Velasco, baka kailangang isa lang ang tumuloy sa kanila na tatakbong speaker para hindi mahati ang suporta ng kanilang mga kapartido.
Si Romualdez naman, bukod sa beterano na rin sa Kamara, aba’y mayaman pa at may back-up na mga Marcos upang makuha ang suporta ng mga taga-Northern Luzon congressmen. Malamang na makukuha rin niya ang basbas ng mga taga-Visayas reps. Maugong nga na ilang kongresista na lang ang kailangan ni Romualdez para makuha ang pinakamataas na puwesto sa Kamara, at pang-apat na pinakamataas na puwesto sa bansa—kasunod ng Presidente, Bise Presidente, at Senate President.
Para manalong speaker, nasa mahigit 150 na boto ng mga kongresista ang kailangan ng kakandidato. Makakuha kaya ito si Cayetano?
Si Cayetano ang isa sa mga pinakaunang kumahol sa ambisyong maging speaker pero mukhang siya ang dehado. Kamakailan nga lang, ibinisto pa siya ni Mayor Sara na nagbanta raw na mabibiyak ang kanilang grupo at maapektuhan ang 2022 presidential race kapag si Velasco ang inindorsong speaker. Aba’y dapat bang takutin ang paboritong presidential daughter.
Maliban sa mukhang wala nang kapit si Cayetano sa Palasyo at maaring kinakatakutan dahil posibleng mangagat ng amo, mukhang wala rin siyang grupo o bloke ng mga kongresistang maipagmamalaking sa kaniya. Baka nga kahit suporta ng mga kapartido niya sa Nacionalista Party eh hindi pa niya makuha. Maliban sa asawa niyang si Lani na pinatakbo rin niyang kongresista.
Pero kung bloke o grupo ng mga kongresista ang pag-uusapan, masasabing malaking puwersa sa Kamara ang mga party-list representatives na mahigit 60. Iyon nga lang, marami ang nakapapansin na mukhang nawala na ang tunay na layunin ng party-list system na mabigyan ng boses sa Kongreso ang mga “marginalized” sector. Aba’y karamihan sa mga nakaupo ngayon na mga kinatawan ng partylist, kung hindi mga negosyante, mga politikong walang pag-asang manalo sa kani-kanilang lugar, o kaya naman eh kaanak ng mga politiko rin.
Tinawag nga ni Sen. Ping Lacson na nagiging “joke” na ang party-list system, at nais niyang masuri at repasuhin ang batas na lumikha rito, na suportado naman ng ilan niyang kasamahan.
Samantala dito pala kay Cayetano, kapag nagkataon na minalas siya sa speakership, magiging “three-peat” na talo na siya—Speakership, Senate President, at Vice President. Aba’y subukan na niya ang President sa 2022 baka iba ang maging resulta. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)