Isang reelectionist councilor, punong barangay at asawa nito ang posibleng maharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code dahil umano sa pamimili ng boto matapos ireklamo ng tatlong complainant nitong Sabado ng gabi sa pulisya.
Kinilala ang mga inirereklamo na sina Councilor Butchoy Arevalo, Punong Barangay Darlene Fornal at ang asawa nitong si Ezra Fornal ng Barangay Pato-o ng bayan ng Odiongan.
Ayon sa police report mula sa ilang pahayagan at sa Regional Public Information ng PNP-MIMAROPA, nitong Mayo 11, 2019 bandang 9:00 ng gabi, nagpunta sa kanilang himpilan ang mga complainants na sina Mely Domingo, Jovis Urbano, at Monalie Dela Cruz, pawang residente ng Barangay Pato-o upang ireklamo sina Arevalo, at mag asawang Fornal na namimili umano ng kanilang boto.
Batay sa tatlo, inimbitahan umano sila sa bahay ni Punong Barangay Fornal dahil kasama umano sila sa listahan ng mga botante na hawak ng kapitana.
Dagdag pa sa report na pagdating umano nila sa bahay ni Punong Barangay Fornal, nandoon umano si Konsehal Arevalo at binigyan daw nito ng sobre si Domingo na kulay puti na naglalaman ng isang libong piso, isang pirasong papel na nakalagay ang pangalan ng isang tumatakbong congressman, governor at vice governor sa Romblon; isang kulay pink na sample ballot, isang pocket size na kalendaryo ng isang partylist na may naka dikit na P50.00.
Ayon pa sa Police report, binigyan din umano ng katulad na sobre nina Punong Barangay Fornal at asawa nito na si Ezra ang complainants na sina Urbano at Dela Cruz kung saan ay naglalaman din ito ng katulad sa sobre na tinanggap ni Domingo.
Matapos matanggap ang mga sobre, nagkonsulta ang tatlo sa isang private lawyer at lumapit sa Odiongan Municipal Police Station para ireklamo.
Samantala, itinanggi naman ni Arevalo ang akosasyon sa kanila. Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi nito na gawa-gawa lang ng mga kalaban ang nasabing issue para siraan ang mga matunog na kandidato.
“Hindi naman yan totoo, walang ibedensya eh. May picture ba?” dagdag ni Arevalo.
Sinabi rin nito na ang importante rito ay kung sino ang nagtatrabaho ng totoo para sa bayan ng Odiongan at kung sino ang makakatulong sa tao pagkatapos ng election.
Sinubukang tawagan ng Romblon News Network si Barangay Captain Fornal para kunan ng pahayag silang mag-asawa kaugnay sa nasabing pangyayari ngunit hindi makontak ang kanyang cellphone number.
Nakipag-ugnayan na ang Odiongan Municipal Police Station sa tanggapan ng Commission on Elections sa Odiongan para sa kaukulang imbestigasyon ng naturang insidente.