Suportado ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kandidatura ng mga incumbent Mayors ng Sibuyan Island na binubuo ng mga bayan ng Cajidiocan, San Fernando, at Magdiwang, ayon sa isang mapagkakatiwalaang source ng Romblon News Network sa simbahan.
Sa bayan ng San Fernando, pinaburan ng Iglesia ang kandidatura ni incumbent Mayor Salem Tansingco ng Nacionalista Party kesa sa kalaban nito sa pagka-alkalde na si Jesusima Castro na pambato naman ng Liberal Party.
Sinuportahan rin ng INC ang katandem ni Tansingco na si incumbent SB Rene Baranda sa pagka-bise alkalde kesa kina Arben Rosas ng NPC at Robinson Royo ng Lakas-CMD.
Samantala sa bayan ng Cajidiocan, suportado rin ng Iglesia ang kandidatura ni incumbent Mayor Nicasio Ramos na tumatakbo para sa huling terminong alkalde ng bayan kesa sa mga kalaban nitong sina Mabina Maca, independent; at Engr. Edwin Rotoni ng Lakas-CMD.
Si Kenyo Repizo naman ng PDP-Laban ang sinuportahan sa pagka-bise alkalde ng Iglesia na makakalaban si Richard Rotoni ng Lakas-CMD.
Sa bayan naman ng Magdiwang, suportado ng Iglesia Ni Cristo ang kandidatura ni incumbent Mayor Denisa Repizo ng PDP-Laban na makakalaban naman sina Julie Monto ng Lakas-CMD, at Arthur Rey Tansiongco ng NPC.
Kuha rin na susuportahan ng Iglesia si Guillermo Rocha ng NPC na tumatakbo sa pagka-bise alkalde sa Magdiwang kung saan makakalaban naman sina Antonio Menese ng PDP-Laban, at Philand Riano ng Liberal Party.
Ayon sa source ng Romblon News Network, pinatawag na ang mga nabanggit na kandidato ng Sibuyan sa District Office ng Iglesia Ni Cristo sa bayan ng Odiongan para ipaalam sa kanila ang balita.